Chapter 2: Lampas sa Bahura
"Hindi mo tinapos."
Hindi man lang lumingon si Apo Baklay nang dumating si Linaw pagsikat ng araw. Sinusuyod pa niya ng tingin ang bangka, halos nakadikit sa tabla ang iisa niyang mata. Ganoon siya tuwing umaga. Iikutan muna ang bangka bago humawak ng gamit.
Gumagalaw daw kasi ang bangka sa gabi, parang batang natutulog. Silipin mo muna bago pagkatiwalaan.
Tumakbo si Linaw pauwi kagabi. Wala rin siyang tulog. Nakahiga lang siya sa banig sa silong ng bahay ng tiyahin niya. Tuwing pipikit siya, parang lumalapit ang ugong. Paanong lalapit ang tunog?
Malamig pa rin ang mga paa niya. Hindi maalis ng araw ang lamig ng tubig sa hukay.
Matagal nang iisa ang mata ni Apo, bago pa ipinanganak si Linaw. Ayaw niyang takpan 'yung kabila. Lalo lang daw nakatingin ang mga tao kapag may takip.
"Pagod na po ako."
"Sa bente-kuwatro ka napagod? Sa bente-tres, hindi pa?"
Kinatok ni Apo ang tarugong naiwan niya kagabi. Kalahati lang ang baon.
"Iwan mong ganyan, paggising mo, tabingi na ang bangka."
"Tatapusin ko na po."
Iniabot ni Apo ang maso. Isang pukpok ni Linaw, bumaon nang diretso ang tarugo.
Bente-kuwatro. Kalahati ng bangka ang dapat niyang taruguhan para sa marka niya, sabi ni Apo. Bawat isa, gusto niyang paghirapan.
Mula sa kahoy, umakyat sa kamay niya ang ugong. Mahina na lang, parang may nagsasalita sa kabila ng dingding. Sa mga tabla nakatingin si Apo. Hindi nito nakita ang mukha niya.
Apo, kumakanta ang bangka. Apo, umuurong ang dagat pero tumataas ang tubig.
Buong gabi niyang binuo ang sasabihin. Heto na si Apo sa harap niya. Pero bakit parang palusot ng batang tinatamad sa trabaho ang mga salita? Walang pasensya si Apo sa ganoon.
Hindi na lang siya nagsalita.
Umakyat si Apo sa burol nang hapong 'yon para bumili ng troso. Si Linaw naman, hinanap si Pukot sa dalampasigan.
"Disinuwebe," bungad ni Pukot. "Disinuwebeng kabibe. Tatlo pa diyan, sobrang liit para buksan."
Nakaupo siya sa maliit niyang baroto sa gilid ng tubig, nagbubukod ng kabibe. Inukit sa iisang puno ang bangka niya. Luma na, may tagpi sa apat na lugar, pero 'yon na lang ang gamit sa bahay nila na hindi pa nabibilang ng katiwala.
"Dalhin mo 'ko sa bahura."
Tumingala si Pukot. "Ikaw?"
"Ako."
"Hanggang tuhod ka nga lang sa dagat. Para kang matandang ayaw mabasa sa lamig."
"E di ngayon ka makakakita ng bago."
Tiningnan siya ni Pukot. Nawala ang pang-aasar sa mukha niya. Hinawakan niyang mabuti ang baroto para makasakay si Linaw.
Sa gitna umupo si Linaw. Kapit sa magkabilang gilid. Huwag lang titingin sa ibaba.
Sampung taon na mula nang kunin ng dagat ang tatay niya. Kaunti lang ang naaalala niya sa gabing 'yon. Nasa ilalim siya ng tubig, nakatingala sa liwanag na berde, malayo sa itaas. Parang dahong tinatapatan ng araw.
Ang ganda. Hindi siya makahinga. Sa alaala niya, magkasama lagi 'yon.
Mula noon, takot na siya sa malalim. Minsan, bumabalik pa sa panaginip 'yung berde.
Sumagwan si Pukot. Sa ilalim nila, ang puting buhangin, naging kulay-ginto, saka kayumanggi. Maya-maya, nasa harap na nila ang mahabang pader ng korales, magaspang ang ibabaw. Bahura na. Sa kabila ang lawod, ang laot na madilim na asul, halos itim.
"Dito?"
"Teka."
Yumuko si Linaw at idinikit ang tainga sa sahig ng baroto.
Napasinghap siya. Parang sinampal sa lakas ng ugong. Napahawak si Pukot sa braso niya, akalang may sakit siya.
Puno ng tono ang ulo ni Linaw. Pati mga ngipin niya, ramdam 'yon. Pero wala sa ilalim nila ang pinanggagalingan. Nasa kabila ng bahura, sa madilim na tubig.
"Doon, sa labas." Itinuro niya. "Sa malalim."
"Bangin 'yan. Walang sumisisid diyan. Walang ilalim."
"Lahat may ilalim."
"E di ikaw ang sumisid."
Tahimik si Linaw. Napatingin si Pukot sa mga kamay niya. Namumuti na sa higpit ng kapit sa baroto. Nag-iba ang mukha niya.
"Ano'ng naririnig mo?" Malumanay na ang boses niya.
"'Yung kagabi. Nandiyan sa ilalim. Ang lakas, Pukot."
Matagal na nakatingin si Pukot sa madilim na tubig bago nagsalita.
"Sige. Pero iuukit mo 'ko ng bagong sagwan. Molave, matigas. Kasya dapat sa kamay ko ang hawakan."
"Oo."
"Kapag nalunod ako, sabihin mo kay Nanay na pakana mo 'to."
"Hindi ka malulunod."
"Sabihin mo pa rin."
Ipinadaan ni Pukot ang baroto sa mababang puwang sa bahura. Paglabas nila sa alon sa kabila, naging itim ang asul na tubig sa ilalim.
Mabagal at malalim ang paghinga ni Pukot. Bata pa sila, pinapanood na ni Linaw ang paghahanda niyang 'to. Tumataas-baba ang mga balikat, halos nakapikit ang mga mata. Sa huli, humigop siya ng napakalaking hinga. Saka gumulong sa gilid. Walang talsik.
Nagbilang si Linaw. Trenta, kaya pa niyang maghintay nang kalmado.
Sesenta. Dumungaw na siya. Wala kahit hugis o bula sa ilalim. Itim lang.
Nobenta. Ibinulong niya ang pangalan ni Pukot.
Sandaan at bente. Basa na pala ang pisngi niya. Nanginginig ang mga kamay niyang nakakapit sa kahoy. Tuloy lang ang ugong sa loob.
Sandaan at kuwarenta.
Bumulwak ang tubig sa tabi niya. Si Pukot, nakanganga, humihigop ng hangin. Parang pinupunit na tela ang tunog. Abuhin na ang mukha niya.
Hinablot ni Linaw ang pulso niya at hinila. Naisampay nito ang isang braso sa gilid ng baroto. Doon siya kumapit, hingal na hingal. Nakakuyom pa rin ang kabila niyang kamay.
"Tanga ka. Tanga ka, tanga ka."
"Ang lamig." Halos hindi makapagsalita si Pukot sa paghingal. "Linaw. Sa ilalim, ang lamig-lamig."
Binuksan niya ang palad. May hawak siyang kasinlaki ng isang sigay. Maputla at malabo, parang salaming napulot sa ilog. Tumama ang araw sa isang gilid at kumislap 'yon.
May manipis na puting yelo sa paligid nito. Nasa kayumangging palad ni Pukot, sa init ng araw ng tanghali.
Yelo. Sa kuwento lang nakilala ni Linaw 'yon, mula sa mga taong nakaakyat sa pinakamataas na bundok. Ngayon, nasa palad ng maninisid, tirik ang araw, at malinaw na parang asin.
Nakatitig si Pukot sa hawak niya. Gumalaw ang mga labi, saka nanlaki ang mga mata. Ngayon lang nakita ni Linaw na natakot siya sa araw na 'yon.
"Linaw," bulong niya. "Naririnig ko."
Next: Chapter 3, Ibalik Mo sa Dagat
Read chapter 3